Isinusulong ni Senator JV Ejercito na awtomatikong maisama sa crop insurance program ang mga pananim ng mga magsasaka na ang lupang sinasaka ay nasa walong ektarya pababa.
Sa Senate Bill No. 390 na inihain ni Ejercito, layunin dito na mapalakas ang food security sa bansa at matiyak na ang mga maliliit na magsasaka at mga pananim ay napoprotektahan mula sa negatibong epekto ng kalamidad at iba pang sakuna.
Alinsunod sa panukala, bubuo ang Department of Agriculture ng comprehensive crop insurance scheme para sa maliliit na magsasaka katuwang ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) at Insurance Commission (IC).
Sa mga magsasakang may limang ektaryang sakahan pababa, isa-subsidize ng gobyerno ang kanilang insurance premiums.
Ang mga mayroong higit sa lima subalit hindi hihigit sa walong ektarya ng lupain, kalahati ng kanilang insurance premiums ang sasaklawin ng gobyerno.
Bubuo rin ng database ng maliliit na magsasaka at magkakaroon ng proseso para sa payment system sa bagong crop insurance program.
Ipinaliwanag ng senador na nangangailangan ng permanente at pangmatagalang solusyon ang pagiging lantad ng bansa sa mga kalamidad lalo na ang epekto sa agricultural sector partikular sa maliliit na magsasaka.