Mga “malisyosong” impormasyon kaugnay sa ₱20-B halaga ng mga PPE, pinabulaanan ni Sec. Galvez; dalawang media entity, planong sampahan ng kaso

Itinangggi ni National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. ang mga umano’y “malisyosong” artikulo na lumabas sa Rappler at Philippine Daily Inquirer kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng 20-bilyong pisong halaga ng personal protective equipment o PPE.

Sa isang statement, sinabi ni Sec. Galvez na “inaccurate” o hindi tama ang storya ng Rappler na pinamagatang “Galvez: Gov’t procures 3 million PPE sets worth P20 billion for June-August” na lumabas noong May 9, 2020 kung saan “misquoted” umano siya.

Nilinaw ni Galvez na 11 milyong kumpletong PPEs ang bibilhin sa halagang 20-bilyong piso, at “first tranche” lang ang sinasabing tatlong milyong PPE na i-stockpile para sa mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto.


Pinansin rin ni Galvez ang editorial ng Philippine Daily Inquirer (PDI) na lumabas noong May 13, 2020 na pinamagatang “Rip-off?”, kung saan pinamukhang overpriced ang naturang tatlong milyong PPEs.

Giit ni Galvez mali ang “P6,667” presyo na binanggit ng Philippine Daily Inquirer, dahil nagkakahalaga lang ng P1,818 ang bawat set na Level 4 quality, kasama ang medical-grade PPEs suit, military-grade goggles, face masks, shoes at head covers.

Paliwanag pa ni Galvez, dahil sa dami ng bibilhing PPEs, at dahil sa international shortage, hindi pwedeng sa iisang supplier kunin ang lahat ng ito kaya kukuha sa iba’t-ibang sources sa loob at labas ng Pilipinas ang gobyerno.

Aniya pa, dahil sa lumikha ng pagdududa sa integridad ng National Task Force Against COVID-19 at gobyerno ang mga nasabing report, magsasampa siya ng legal aksyon laban sa dalawang media organizations kung hindi nila itatama ang kanilang inilabas na maling impormasyon.

Facebook Comments