Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamunuan ng mga mall na mahaharap sila sa kaukulang reklamo kapag pinayagan nila ang mga bata na pumasok sa kanilang establisyimento.
Ito ang sinabi ng DILG kasabay ng pagpapahintulot ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga batang may edad limang taong gulang pataas na lumabas sa kanilang mga bahay sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi pa napapanahon para payagan ang mga bata na pumasok sa mga mall lalo na at pinaiigting pa ng pamahalaan ang vaccination hanggang sa makamit ang population protection.
Hinikayat ng kalihim ang publiko na i-report ang mga ganitong insidente sa security officer ng mall o sa nakatalagang desk ng Philippine National Police (PNP).
Kapag walang ginawang aksyon ang mall, tiniyak ni Año na maaaring magpatupad ang DILG ng hakbang laban sa may-ari o pamunuan ng mall.