Binalaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila amg mga may-ari ng mga shopping malls sa lungsod na naniningil sa paggamit ng kanilang mga comfort room.
Ito’y kasunod ng natanggap na reklamo ng Manila Local Government Unit (LGU) na naniningil ng P20.00 ang isang mall sa Binondo pero P10.00 lang ang nakalagay sa ibinibigay na resibo.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Manila Mayor Honey Lacuna na imbestigahan ang naturang insidente.
Inatasan na rin ng alkalde si City Administrator Bernie Ang na magpadala ng sulat sa mga may-ari o management ng mga malls sa Maynila at ipaalam sa mga ito na bawal at hindi kinukunsinte ng lokal na pamahalaan ang paniningil sa paggamit ng comfort room.
Giit pa ni Lacuna, ang paniningil sa paggamit ng comfort room ay itinuturing na anti-poor at labag ito sa napagkasunduan na regulasyon na itinakda ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Nabatid na kasama sa pagbibigay ng permit mall, kasama dito ang kondisyonna libreng ipapagamit sa publiko ang kanilang mga pasilidad tulad ng comfort room.
Babala naman ng City Administrators’ Office, ang sinumang mall na mapapatunayan na naniningil sa paggamit ng comfort room ay posibleng patawan ng multa o parusa at maaaring ipasara.