Cauayan City, Isabela- Isa sa mga pangunahing sakit na tumatama ngayong Summer ay ang Heatstroke.
Ito ang ibinahagi ni Doctor Roda Gaffud ng Echague District Hospital sa naging ugnayan ng RMN Cauayan sa programang Sentro Serbisyo ngayong araw, April 6, 2018.
Ilan umano sa mga sintomas ng Heatstroke ay ang pagkahilo, pagkawala ng malay, namumula at mainit ang katawan, mainit ang pakiramdam sa mukha at nanunuyo ang lalamunan.
Aniya, pag nakaranas na ng mga ganitong sintomas ay lapatan na ng First aid sa pamamagitan ng pag inom ng tubig, pumunta sa malilim na lugar at iwasang magbabad sa init.
Nangyayari umano ito kung umabot na sa 40 degrees ang temperature ng katawan ng isang tao at kadalasang tinatamaan ng sakit na heatstroke ay mga may edad na o matatanda, mahina ang Immune system, o di kaya’y may dati ng sakit.
Dagdag pa aniya, kung nawalan na ng malay ang biktima ay labaran ito ng malamig, itapat sa electric fan o di kaya’y paypayan, paluwagin ang kanyang suot hanggang sa lumamig ang kanyang kundisyon at kung wala pang malay ay dalhin na ito sa ospital.