Mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan, pagbabawalang maging kontraktor at supplier ng mga government projects

Maghahain si Senate President Chiz Escudero ng panukalang batas para ipagbawal na maging contractor o supplier ng mga proyekto ng pamahalaan ang sinumang opisyal ng gobyerno.

Kaugnay na rin ito sa naging talumpati ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kung saan sinita niya ang mga nasa gobyerno na mahiya naman sa mga palpak na flood control projects.

Batid ni Escudero na matagal nang problema ang ganitong katiwalian kaya para makatulong sa pamahalaan ay isusulong niya sa Senado na ipagbawal hanggang fourth civil degree of consanguinity and affinity ng sinumang mambabatas o opisyal ng pamahalaan, national man o local, na maging kontraktor o supplier sa mga proyekto ng pamahalaan.

Malinaw aniyang mayroong conflict of interest, korapsyon at hindi tamang paggamit ng pondo sa ilang mga proyekto kaya dapat hindi na ito pahintulutan kailanman.

Inihalimbawa pa ni Escudero na kung sa mga abogado na pumasok sa politika ay pinagbabawalang i-exercise o gampanin ang propesyon ay mas lalong ipagbawal ang pagpapatuloy ng mga mambabatas na maging kontratista at supplier gayong parte na sila ng pamahalaan.

Facebook Comments