Tapos na ang maliligayang araw ng mga mambabatas at public works personnel na sangkot sa mga maanomalyang infrastructure projects.
Ito ang sinabi ng Malacañang matapos i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga kongresistang kabilang sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Nasa walong incumbent lawmakers at isang dating solon ang tinukoy ng Pangulo na sangkot sa mga iregularidad, kabilang ang pagkuha ng kickbacks mula sa project contractors.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangang mag-‘shape up’ ang mga kongresista at ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang plano aniya ng Pangulo na magsagawa ng balasahan sa DPWH district engineers ay makatutulong para malabanan ang korapsyon.
Itinanggi rin ni Roque na ang mga kongresistang pinangalanan ng Pangulo ay inilagay sa trial by publicity.
Una nang nilinaw ni Pangulong Duterte na wala pang hard evidence para patunayan ang mga alegasyon laban sa mga mambabatas.
Mananatiling inosente ang mga kongresista hanggang sa mapatunayang guilty ang mga ito.