Kasunod ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA), kinalampag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga mambabatas na maipasa na ang mga priority bills na sinertipikahang urgent ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Ayon sa pangulo, kung maaari sana ay lumusot na labing pitong mga proposed bill at maging ganap na mga batas bago matapos ang 2024.
Ilan sa mga priority bill na nais maging batas ng pangulo ay ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act; Anti-Financial Accounts Scamming Act; Amendments to the Government Procurement Reform Act; Mandatory Reserve Officers’ Training Corps o ROTC; at Waste-to-Energy bill.
Nandiyan din ang Unified System of Separation; Academic Recovery and Accessible Learning Program Act; Department of Water Resources; Open Access in Data Transmission; at Amendments to the Universal Healthcare Act.
Sabi ng pangulo, oras na maging ganap na batas ang mga panukala ay malaki ang maiaambag nito sa pambansang pag-unlad at magpabubuti sa kalagayan ng mga Pilipino.