Mga mambabatas, nagpahayag ng suporta sa apela ng medical groups na ibalik sa ECQ ang NCR

Maraming mambabatas ang nagpahayag ng suporta sa panawagan ng medical community na isailalim ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa patuloy na pagdami ng tinatamaan ng COVID-19.

Sa isang pahayag, hinimok ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto si Pangulong Rodrigo Duterte na pakinggan ang panawagan ng mga medical frontliner.

Aniya, dapat na sundin ng gobyerno ang kanilang panawagan kung makakatulong ito para mapagaling ang mga pasyente at maiwasang tamaan ng sakit ang mga health workers.


Magsisilbi rin aniya itong hamon sa gobyerno para magdoble-kayod.

Maging si Philippine Red Cross (PRC) chairman at Senador Richard Gordon ay pinayuhan ang pamahalaan na ikonsidera ang apela ng mga medical frontliner sa pagdedesisyon ng ipatutupad na quarantine level.

Ayon naman kay Albay Representative Edcel Lagman, dapat na mas iprayoridad ang kalusugan ng mga tao kaysa sa mga negosyo sa critical areas.

Dapat aniyang matuto ang pamahalaan sa naging karanasan ng ibang bansa gaya ng Japan kung saan lumala ang COVID-19 situation matapos na buksan agad ang economic, leisure at domestic travel activities nito.

Ayon naman kay Anakalusugan Party-List Rep. Mike Defensor, magandang pagkakataon ang pagbabalik sa Metro Manila sa ECQ para mabago ang stratehiya ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19.

Facebook Comments