Dismayado ang mga mambabatas sa inilatag na plano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Ika-limang State of the Nation Address kaugnay sa pagtugon sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19)
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi man lang idinitalye ni Pangulong Duterte sa kaniyang SONA kung paano sosolusyunan ng Pangulo ang laban ng Pilipinas kontra COVID-19.
Sinabi ni Recto, umaasa kasi ang publiko na se-sentro ang SONA sa pagpapalakas ng loob, pagpapatatag na malalampasan din ng Pilipinas ang itinuturing na pinakamatinding health crisis sa bansa.
Para naman kina Senadora Risa Hontiveros at Senador Francis Pangilinan, dapat konkretong plano laban sa pagkalat ng COVID-19 ang inilatag ng pangulo sa kanyang SONA at hindi pagbanat sa iba.
Maging sina Magdalo Partylist Manuel Cabochan at Albay Rep. Edcel Lagman ay nakukulangan sa inilahad ng Pangulo, partikular sa isyu ng malinaw at konretong hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19.
Giit ng mga mambabatas, inilahad lang ng pangulo ang buod ng mga nagawa ng pamahalaan sa pandemiya, pero hindi nito sinagot ang mga isyu patungkol sa patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19, kakulangan ng mass testing at pagsisikip ng mga opistal sa bansa.