Isang gabi ng talento at musika ang nasaksihan ng mga residente ng Mangaldan noong Biyernes, Disyembre 20, sa grand finals ng 38th Ugnayan sa Pasko 2024 Singing Contest. Ang paligsahan ay ginanap sa plaza ng bayan bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng Pasko, na nagpapakita ng galing at husay ng mga residente larangan ng pag-awit.
Ang kompetisyon ay may dalawang pangunahing kategorya: ang Bulilit Portion para sa mga kabataang kalahok at ang Main Portion para sa mga nasa edad 18 pataas.
Sa Bulilit Portion, hinangaan ng mga manonood si Hailee Enriquez mula sa Barangay Guiguilonen sa kanyang emosyonal na bersyon ng “The Power of Love,” na nagdala sa kanya sa tagumpay bilang kampeon.
Samantala, sa Main Portion, nagningning si Kristoff Labayog mula sa Barangay Anolid sa kanyang makapangyarihang interpretasyon ng “This is the Moment,” na siyang nagpatibay ng kanyang pwesto bilang grand champion.
Bukod sa tropeo at karangalang nakuha, ang mga nagwagi ay tumanggap ng cash prizes at educational assistance, na magbibigay-daan sa kanila upang higit pang mahasa ang kanilang talento at makapasok sa mas malaking oportunidad sa industriya ng musika.
Puno ng damdamin ang naging laban dahil dumaan sa masusing proseso ang bawat kalahok bago makarating sa grand finals.
Ang 38th Ugnayan sa Pasko ay isa na namang patunay ng diwa ng pagkakaisa at pagmamahalan na nagbigay liwanag at saya sa komunidad ngayong kapaskuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨