Mga manggagawa, bokya pa rin sa hirit na dagdag-sahod kay Pangulong Duterte – TUCP

Walang nakikitang pag-asa ang grupo ng mga manggagawa na aaksyunan ng iba’t ibang regional wage board ang mga petisyong inihain nila para sa dagdag-sahod.

Giit ni ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ilang linggo na mula nang maghain sila ng wage hike petitions ay wala pa ring lumalabas ‘ni isang wage increase order.

“Wala tayong pag-asa… makupad pa rin at bagal ang wage board natin ‘no?” ani Tanjusay.


Dahil dito, iminungkahi niya sa susunod na administrasyon na baguhin na ang wage setting mechanism sa bansa.

“Tama yung aming sinasabi na irrelevant na ang wage board natin kaya’t dapat baguhin, especially siguro kapag pumasok na yung bagong administrasyon, ito yung dapat unang pagtuunan ng pansin,” dagdag niya.

Dagdag pa ni Tanjusay, dismayado rin sila kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi man lang pagkalabit sa mga miyembro ng wage board para bilisan ang proseso ng pagdinig sa mga petisyon.

“Na-bokya ang mga manggagawa kahapon, Labor Day. Umaasa kami na aaksyunan ni Pangulong Duterte ang isyu ng napakababang sahod sa ating bansa at lumalaganap na kahirapan subalit hanggang kahapon, walang nangyari,” saad pa ni Tanjusay.

Samantala, itinanggi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kinakaligtaan ng pamahalaan ang mga manggagawa sa bansa.

Katunayan, ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, nakatakda na ang pagdinig sa sampung wage increase petition na inihain sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board.

Facebook Comments