Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa manggagawa, employer at labor groups ang inaprubahang ₱50 na umento sa sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).
Sa panayam ng DZXL News Sinabi ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino President Atty. Luke Espiritu na bagama’t kinikilala nila ang ₱50 na dagdag-sahod naniniwala silang hindi ito sapat para sa pang araw-araw na gastusin ng mga manggagawa.
Umangal naman ang ilang employers group sa inaprubahang ₱50 wage increase.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luiz Jr., bagama’t nirerespeto nito ang naging desisyon ng Wage Board hindi lamang ₱50 ang aktwal na madaragdag sa kanilang ibibigay sa mga empleyado dahil kasama pa rito ang overtime pay at allowances.
Samantala, tinawag naman na barya ni Kamanggagawa Representative Eli San Fernando ang naturang wage increase.
Ayon sa mambabatas, hindi umano responsive ang Regional Wage Board sa pangangailangan ng mga manggagawa.
Giit nito, panahon na rin para buwagin ang Regional Wage Board dahil pumapabor lamang ito sa malalaking negosyante.
Sa ilalim ng bagong wage order na epektibo sa July 18, itataas sa 695 ang minimum wage para sa non-agricultural sector mula sa 645 pesos habang mula 608 pesos ay itataas sa 658 pesos ang minimum wage sa agricultural sector sa NCR.









