Pahirapan na naman sa pagbiyahe ang mga pasahero papasok sa kanilang mga trabaho kasabay ng unang araw na pagpapatupad muli ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Sa pagbaybay ng RMN-DZXL 558 news team, mula EDSA-Crossing hanggang MRT Guadalupe Station, kapansin-pansin ang mga manggagawang naghihintay ng libreng sakay.
Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa maliliit na kompanya na walang kakayahang magbigay ng shuttle service.
May ilan din na nagbisikleta pero karamihan sa mga manggagawa ay napilitan na lang na maglakad papasok sa kanilang trabaho.
Samantala, limitado lang para sa medical frontliners at government employees ang serbisyo ng Pasig River Ferry Service simula ngayong araw.
Habang sa Maynila, papayagan pa rin ang pagbiyahe ng mga tricycle, pedicab at e-trike para may masakyan ang mga manggagawa.
Hinimok naman ng Department of Transportation (DOTr) ang mga pribadong kompanya na mag-hire ng mga public utility vehicles (PUVs) bilang shuttle service ng kanilang mga empleyado.
Nabatid na sa ilalim ng MECQ, suspendido ang operasyon ng mga tren, bus, jeep, taxi at TNVS.