
Nagsagawa ng picket-protest ang iba’t ibang labor groups sa San Miguel Corporation (SMC) Central Headquarters sa San Miguel Avenue, Ortigas Center, Mandaluyong City kanina.
Sa harap ito ng nalalapit na pagpapatupad ng San Miguel Corporation ng mataas na airport fees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa September 14.
Hinamon din ng mga grupong Partido Lakas ng Masa (PLM), Sanlakas, at Bukluran ng Manggagawang Pilipino si SMC CEO Ramon Ang na magpaliwanag sa publiko kung bakit masyadong malaki ang itinaas sa mga bayarin sa paliparan.
Ayon kay Ka Leody de Guzman, pangulo ng PLM, maaari namang itaas ng SMC ang fees at charges sa NAIA pero dapat itong ipatupad kapag natapos na ang rehabilitasyon sa NAIA.
Lumalabas aniya kasi na namumuhunan muna ang SMC sa pagpapaayos ng airport bago bawiin ang ipinuhunan nito.
Kabaliktaran din aniya ito pag-alok ni Ang ng paglutas sa problema sa pagbaha sa Metro Manila.
Ang mga raliyista ay itinaboy naman ng mga pulis at ng mga guwardiya ng SMC.









