Inihayag ng pamunuan ng Marikina City Government na umaabot sa 130 mga empleyado ng C-Point Shoe Factory ang sumasailalim ngayon sa swab testing para matiyak na hindi sila tinatamaan ng nakamamatay na COVID-19.
Ang COVID-19 test para sa mga magsasapatos ay ipinag-utos ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro bago ang nakatakdang transition mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) patungong Modified ECQ o ang tinatawag na ‘new normal’.
Ayon kay Mayor Teodoro, hindi papayagan ang operasyon ng isang pagawaan ng sapatos at iba pang malalaking factories sa lungsod kapag hindi sumailalim sa COVID-19 testing ang kanilang mga manggagawa.
Pinatitiyak din ni Teodoro na 50% lamang ng mga empleyado ang aktuwal na papasok sa pagawaan dahil ang kalahati ay work from home status para masunod ang umiiral na social distancing.
Kabilang din sa sasailalim sa mandatory COVID-19 test ngayong araw ang mga manggagawa ng Philip Morris at Armscor Global Defense, Inc.
Ang Marikina City ang kauna-unahang Local Government Unit (LGU) sa bansa na pinayagang magkaroon ng sariling molecular diagnostics and testing laboratory para sa COVID-19.