Nanawagan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga indibidwal mula sa A4 category o essential workers na magpabakuna na sa Giga Vaccination Center sa Mall of Asia o MOA Complex, Pasay City.
Kasabay ito ng pagbubukas ng vaccination site kung saan target nitong mabakunahan ang 35-million A4 members.
Ayon sa alkalde, mahalagang mabakunahan ang A4 sector dahil sila ay kabilang sa itinuturing na backbone ng ekonomiya.
Kabilang dito ang mga manggagawa ng gobyero, pribadong sektor, informal at maging ang mga nasa household sector.
Ang kailangan lamang nilang gawin ay personal na magtungo sa Giga Vaccination site.
Una nang kinumpirma ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., ang karagdagang 10 million doses ng Sinovac, AstraZeneca, Pfizer-BioNTech, at Sputnik V vaccines na nakatakdang dumating sa bansa sa mga susunod na araw.