Mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19, iminungkahing i-hire bilang mga contact tracers; CITIRA package 2, pinasasabatas bago mag- June 3, 2020

Iminungkahi ng Department of Finance (DOF) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-hire bilang mga contact tracers ang milyun-milyong manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis.

Sa kaniyang presentasyon sa pulong ng IATF sa Malacañang, sinabi ni DOF Secretary Carlos Domiguez na bukod sa mapapalakas nito ang health capacity ng bansa, makapagbibigay din ito ng pansamantalang trabaho sa mga naapektuhan ng Lockdown.

Matatandaang sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), tigil ang operasyon ng public mass transportation at bawal din muan ang mga mass gatherings na nagresulta ng tigil-trabaho sa maraming industriya.


Ipinanukala rin ng kalihim ang pagpapatuloy ng food production para matugunan ang demand ng mga consumer gayundin ang implementasyon ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno.

Nanawagan din siya sa Kongreso na ipasa ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) package 2 bago sila mag-adjourn ng sesyon sa June 3, 2020.

Sa ilalim nito, ibababa sa 20% mula sa kasalukuyang 30% ang corporate income tax sa loob ng 10 taon kung saan prayoridad na mabigyan ng incentives ang mga negosyong lumilikha ng domestic employment.

Una nang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala noong Marso.

Samantala, isinasapinal na ng economic team ng administrasyong Duterte ang Economic Recovery Program nito na layong tulungan ang mga industriyang makabangon mula sa naging epekto ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments