Libu-libong manggagawang Pilipino ang nawalan ng trabaho at mga lokal na negosyo ang lubhang apektado sa pagpapasya ng gobyernong piliin ang isang dayuhang kompanya para mag-supply ng Personal Protective Equipment (PPE).
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa audit findings ng Department of Health (DOH) ay pinunto ni Senator Joel Villanueva na mahalagang talakayin ang usapin ng kawalan ng trabaho na isa sa naging bunga ng umano’y ma-anomalyang pagbili ng PPE sets mula sa kompanyang Pharmally Pharmaceutical Corp.
Inilarawan ni Villanueva ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) bilang “kontrabida” sa mga manggagawang Pilipino at sa mga lokal na manufacturers na nabitin at naiwan sa ere sa kasagsagan ng pandemya.
Pahayag ito ni Villanueva makaraang lumabas sa pagdinig na ang mga local manufacturer na kasama sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines ay kinailangang mag-retrench ng 25,400 na empleyado noong nakaraang taon.
Sa hearing ay inilahad ni Fernando Ferrer, chairman at CEO ng EMS na isang Filipino electronics assembly firm na ang kompanya niya kasama ang iba pa ay tumugon sa panawagan ng gobyerno para sa PPE.
Ngunit ayon kay Ferrer, tila nabalewala ang kanilang adjustment nang i-award ng PS-DBM ang mga kontratang nagkakahalaga ng P8.7 billion sa Pharmally Pharmaceutical Corp.