Mga mangingisda at vendor na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro, tinulungan ng DSWD

Inayudahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga mangingisda, vendors at mga pamilyang naapektuhan ng oil spill nang lumubog ang motor tanker (MT) Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro.

Personal na pinangunahan kahapon ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at ilan pang opisyal ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations at cash-for-work programs ng DSWD.

Sinabi ni Gatchalian na may 7,000 apektadong pamilya sa 6 na bayan sa Oriental Mindoro – Naujan, Pola, Pinamalayan, Bongabong, Gloria, at Bansud ang napagkalooban ng food packs sa pakikipagtulungan ni Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor.


Ang pagtulong ng DSWD ay bilang reaksyon sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos.

Kaugnay nito, inihanda na ng Oriental DSWD MIMAROPA ang P78.9 million halaga ng standby at stockpile funds na kapapalooban ng 42,400 FFPs at standby funds na may halagang P7.2 million para gamiting augment assistance sa mga apektadong bayan ng Oriental Mindoro.

Patuloy na susubaybayan ng DSWD ang mga residente doon para sa pagkakaloob ng tulong sa kanilang mga pangangailangan.

Facebook Comments