
Nakaalerto na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posibleng epekto ng Bagyong Tino habang patuloy ang paglapit sa kalupaan ng bansa.
Ayon sa PCG, alinsunod na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang magpatupad ng mga hakbang para tiyaking ligtas ang mga residente malapit sa mga baybayin at mga mangingisda.
Sabi ni PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, nakahanda na ang mga Deployable Response Groups para sa mabilis na pagresponde sa oras ng sakuna.
Patuloy rin ang koordinasyon ng mga PCG district sa Southern Tagalog, Central Visayas, Eastern Visayas, at Southwestern Mindanao kasama ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya upang mapaigting ang pagtugon sa epekto ng masamang panahon.
Layon ng paghahanda na maagapan ang pinsala at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng maagang mobilisasyon.
Hinimok naman ng PCG ang mga mangingisda na banyayan ang mga weather advisory ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) at sumunod sa mga alituntunin sa paglalayag.









