Katuwang ang Task Force laban COVID-19 ng Philippine Coastguard (PCG) at Philippine National Police – Maritime Group ay sinasailalim sa mahigpit na pre-departure inspection at medical screening ang mga mangingisda partikular sa may bahagi ng Navotas port.
Bahagi ito ng health protocol na pinatutupad ng PCG para makatulong na maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Bago makapalaot ang mga mangingisda, sinusuri muna ang kanilang temperatura.
Inaalam rin ng mga tauhan ng PCG at Maritime Police kung may sintomas ang mga ito ng COVID-19 gaya ng ubo, lagnat at diarrhea.
Pinapayuhan rin sila ng mga paraan para makaiwas sa virus.
Samantala, isa sa crew naman ng isang motor tanker mula Batangas na kakarating lang sa Navotas Anchorage Area ang idineklarang person under monitoring o PUM.
Ang nasabing crew nakararanas ng ubo at mayroon din itong sinat mula pa noong Marso 11.
Kaya pinayuhan itong sumailalim sa self-quarantine sa loob ng barko at i-report kung sakaling makaranas ng pagsama ng pakiramdam sa mga susunod na araw.
Samantala, pinayuhan naman ang mga kasamahan ng nasabing crew na tiyaking matutupad ang “social distancing” sa barko.