
Mas palalawakin pa ng Department of Agriculture (DA) ang mabebentahan ng bente pesos na bigas.
Inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na isasama na rin sa programa ang nasa 2.8 milyong mangingisda.
Kinakailangan lang na rehistrado ang mga ito sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Ngayong araw, sabay-sabay na nagbukas ang labing-walong bodega ng National Food Authority (NFA) sa Central at Northern Luzon para simulan ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo para sa mga kwalipikadong magsasaka.
Makakabili na ang mga rehistradong magsasakang may dalawang ektarya o mas maliit na sakahan.
Gayundin, ang mga farm workers na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Maaring bentahan ang mga ito ng hanggang 10 kilong bigas kada buwan o isang sako (50 kilo) para sa buwan ng Agosto hanggang Disyembre 2025.
Ayon kay Tiu Laurel Jr., tinatayang limang milyong benepisyaryo ang saklaw ng programa sa buong bansa.
Upang masuportahan ang distribusyon, magtatayo rin ng KADIWA ng Pangulo at Food Terminal Inc. booths sa mga bodega ng NFA.









