Mas tumaas ang kumpiyansa ng mga Pilipinong mangingisda na makapalaot sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa kabila ito ng patuloy na nararanasang pangha-harass ng China sa mga kababayan nating sa karagatan lamang umaasa ng hanapbuhay.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, isang panibagong insidente ng pangha-harass ng China ang naitala bago matapos ang Nobyembre.
Nitong Huwebes, November 28 nang matanggap ng PCG ang video footage at mga litrato ng harassment na gawa ng People’s Liberation Army helicopter sa Rozul Reef.
Dahil dito, ipinag-utos na ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan na agad i-deploy ang dalawang barko para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipinong mangingisda.
Layon din nitong makapangisda ang mga kababayan natin nang malaya sa Rozul Reef na sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon pa kay Tarriela, tiwala ang mga mangingisda sa commitment ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang anumang isusukong teritoryo sa ibang bansa.