Mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea, pinapasamahan sa PCG

Hinamon ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang Philippine Coast Guard (PCG) na escortan o samahan at bantayan ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Kasabay rin nito ang panawagan ng kongresista sa administrasyong Duterte na paigtigin ang mga hakbang laban sa panghihimasok ng China.

Apela ni Zarate sa pamahalaan na magpadala ng mga tauhan ng PCG sa Bajo de Masinloc at sa iba pang bahagi ng WPS kung saan nakakaranas ng pangha-harass ang mga Pilipinong mangingisda mula sa China.


Iginiit ng kongresista na dapat ay ipinapakita ng gobyerno ang presensya ng bansa sa WPS habang ang mga opisyal ng pamahalaan ay ipinaglalaban ang ating independence sa halip na palaging “apologist” sa China.

Nilinaw naman ni Zarate na hindi nila itinutulak na magdeklara ang bansa ng gyera kontra China kundi ang kailangan lamang ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang manindigan para sa teritoryo at sa mga Pilipino.

Nanawagan naman ang kongresista sa ibang mga claimants tulad ng Vietnam, Brunei, Taiwan at Malaysia kasama ang Pilipinas na magkaisa laban sa panghihimasok sa teritoryo ng China.

Umapela rin ang mambabatas sa international community na i-pressure ang US at China na i-demilitarize ang rehiyon dahil nadadamay lamang ang bansa sa ginagawang military-build up ng dalawang bansa sa WPS.

Facebook Comments