Iba’t-ibang grupo at organisasyon na ang nagbigay ng tulong sa mga Pilipinong mangingisda ng F/B Gem-Vir 1 na binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), kabilang sa magbibigay ng tulong ang International Chamber of Commerce at Philippine Silk Road International.
Ibibigay ang ₱1 milyong tulong sa 22 mangingisda para sa pagpapagawa ng nasirang bangka at pang-suporta sa kanilang kabuhayan.
Sinabi naman ni Henry Lim Bon Liong, presidente ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry na maaring magbigay ang kanilang hanay ng 2 hanggang 3 milyong pisong ayuda.
Umapela si Liong sa publiko na maging mahinahon sa pagtugon sa insidente sa Recto Bank sa pangambang muling magkalamat ang relasyon ng Pilipinas at China.