Natatakot nang mangisda sa bahagi ng Kalayaan Islands ang mga Pilipino dahil sa presensya ng mga barko ng China.
Ito ang inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (Wescom) kasunod ng umano’y panibagong pangha-harass ng Chinese vessels sa mga mangingisdang Pinoy roon.
Ayon kay Wescom Commander Rear Admiral Ramil Enriquez, nakakapangisda pa rin naman ang mga Pinoy sa lugar at marahil, may ilang natatakot lang dahil nasa sandbars pa rin ang Chinese Coast Guard.
Samantala, base sa imbestigasyon na ng Philippine Navy, sinabi ni Enriquez na hindi gumagalaw ang Chinese Coast Guard at tatlong Chinese fishing vessel na nakita ng mangingisdang si Larry Hugo.
Una rito, isang batas ang ipinasa ng China na nagpapahintulot sa Coast Guard nito na paputukan ang anumang foreign vessels at i-demolish ang mga istrukturang ginawa ng ibang bansa sa Chinese-claimed reefs.
Samantala, tiniyak ni Enriquez sa publiko na nagtatrabaho ang gobyerno para masiguro ang kaligtasan ng mga mangigisdang Pinoy sa pinag-aagawang teritoryo.
Ang Kalayaan Islands na kilala rin bilang Spratly Islands ay grupo ng mga isla sa West Philippine Sea na pinag-aagawan ng Pilipinas, Malaysia, Taiwan, China, Brunei at Vietnam.