MGA MANLALAKO SA LABRADOR,NAKIKIISA SA PLASTIC BAN SA BAYAN

Nakikiisa ang ilang manlalako sa Labrador Public Market sa ipinatutupad na plastic ban ng bayan bilang bahagi ng kampanya para sa kalinisan at wastong pamamahala ng basura.

Batay sa mga larawang ibinahagi ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Labrador, kapansin-pansin ang paggamit ng mga manlalako ng single-use biodegradable plastics at paper products bilang alternatibo sa ipinagbabawal na plastic at styrofoam.

Ayon sa MENRO, ang naturang hakbang ay alinsunod sa Municipal Ordinance 053-2017 na nagbabawal sa paggamit ng plastic at styrofoam, na may kaukulang multa at community service para sa mga lalabag.

Ipinahayag din ng tanggapan na positibo ang naging pagtugon at kooperasyon ng mga manlalako sa pagsunod sa ordinansa, na nakatulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa loob ng palengke.

Dagdag pa ng MENRO, inaasahang makababawas ito sa dami ng nakokolektang basura at sa gastusin ng bayan sa sanitary landfill, habang patuloy na hinihikayat ang mas responsableng paggamit ng mga alternatibong lalagyan.

Facebook Comments