DMW, may babala sa mga manning agencies

Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga manning agency sa Pilipinas na hindi susunod sa kanilang direktiba na hindi muna papayagang maglayag o sumampa sa mga barko ang mga Pinoy sa Gulf of Aden at Red Sea.

Sa panayam ng RMN Manila kay Department of Migrant Workers (DMW) Office-In-Charge Hans Leo Cacdac, pananagutin nila sa batas ang mga manning agency na susuway sa kanilang kautusan.

Kabilang sa mga Pinoy seafarers na pinagbawalang maglayag ay ang mga nagtatrabaho sa mga passenger at cruise ship.


Itinuturing kasi ng International Transport Workers Federation at International Bargaining Forum ang naturang bahagi ng karagatan na high risks area at war like zone.

Paliwanag ni Cacdac, nasa 100 hanggang 200 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa isang cruise ship lamang kaya naman mapanganib na maglayag sila sa naturang bahagi ng karagatan.

Kung maalala, noong buwan ng Marso ay dalawang Pinoy ang namatay sa pag-atake Houthi rebels sa isang bulk carrier na nasa Gulf of Aden.

Una rito, noong buwan ng Nobyembre ay nasa 17 Filipino crew members ng Galaxy Leader cargo ship naman sa Red Sea ang binihag ng Houthi armed group.

Facebook Comments