Mga manok mula sa iligal na tupada, ginawang adobo at tinola

Courtesy Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian

VALENZUELA CITY – Naging instant ulam ang mga mamahaling tandang ng ilang sabungero na sangkot sa iligal na tupada sa nasabing siyudad.

Sa isang Twitter post, sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na inaresto ng otoridad ang ilang kalalakihan nitong Linggo ng umaga na tinawag niyang matitigas ang ulo.

Narekober sa lugar ang manok na panabong, tari na ginagamit sa lihim na tupada, at mga pera.


Dinala ang mga nadakip sa presinto habang idiniretso sa kusina ang kani-kanilang alaga.

“Idadagdag sa mga meals for tonight’s operations…nothing will go to waste,” saad ng alkalde.

Tila nagpa-survey pa si Gatchalian sa netizens kung anong luto ang gagawin mula sa karne ng mga tandang.

“Team Adobo or Team Tinola? Ano kaya plano ni kuya na cook???”

Kaya naman payo ng opisyal, itago muna ng mga sabungero sa bakuran ang pambato nila para hindi maging putahe.

Hindi naman natuloy ang paghahain ng ulam dahil bagsak ang pagkain sa standards ng health officials.

“Final chapter of the tupada story…Our nutritionists, agri and vet people all decided not to certify the adobo. So abandon na,” dagdag ng alkalde.

“Sa mga gusto magpatupada dyan i will make sure na mahuli kayo, makulong at maluto na adobo mga alaga niyo. I suggest wag niyo na ever subukan,” babala ni Gatchalian sa mga susuway sa panuntunan ng enhanced community quarantine.

Facebook Comments