Wednesday, March 18, 2026

Mga manufacturer, tiniyak sa DTI na hindi sila magtataas ng presyo sa basic goods sa gitna ng giyera sa Gitnang Silangan

Siniguro ng mga manufacturers sa Department of Trade and Industry (DTI) na na hindi sila magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng 30 araw.

Kasunod na rin ito ng pakikipaglulong ng Trade Department sa 21 manufacturers at nagkasundo ang mga ito na panatilihin ang presyo ng kanilang produkto sa kabila ng pangamba sa suplay dulot ng tensiyon sa Middle East.

Kabilang sa mga napagkasunduang walang taas-presyo ay ang de-latang sardinas, tinapay tulad ng tasty at pandesal.

Hindi rin magtataas ang presyo ng mga bottled water, instant noodles, kape, delatang karne, sabon at kandila.

Nangako rin ang ilang manufacturer na hindi magtataas ng presyo hanggang 60 araw.

Binigyang-diin din ng DTI na mahalagang mabalanse ang kapakanan ng mga konsyumer at ang hamon sa gastos ng mga manufacturer.

Tiniyak naman ni DTI Sec. Cristina Roque na patuloy ang koordinasyon nila sa logistics sector upang masuri ang epekto ng sigalot sa Middle East sa supply chain.

Nais kasi ng pamahalaan na mapanatili ang patas at abot-kayang presyo ng mga bilihin sa gitna ng tumataas na gastusin.

Facebook Comments