Binigyang pagkilala ng pamahalaan ang malaking kontribusyon ng mga marino o seafarers sa bansa.
Ito bilang bahagi ng selebrasyon ng Day of the Filipino Seafarers kung saan nag-alay ng bulaklak ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa bantayog ni Dr. Jose Rizal.
Kasamang dumalo ang mga kadete mula sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) na umaktong honor guards.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga marino sa pagtulong na umangat ang ekonomiya ng bansa.
Aniya, nasa US$6.7 hanggang US$6.8 billion kada taon ang kontribusyon sa bansa ng mga marino sa pamamagitan ng remittances.
Nasa 25% naman ng mga seafarer ay mga Pilipino na nangunguna pagdating sa husay ng pagtatrabaho.
Dahil dito, nagpapasalamat ang MARINA sa mga kontribusyon ng mga marinong pinoy kung saan may mga programa pa silang pinaplano para sa kanilang kapakanan sa mga susunod na araw.