Umapela ngayon ang mga marino kina Senador Chiz Escudero, Senador Joel Villanueva at Senator Imee Marcos na madaliin ang pagpasa sa Magna Carta for seafarer at hindi dapat na ilagay at isingit ang escrow provision sa Magna Carta.
Matatandaan na nakahanap ng mga kakampi ang mga Pilipinong seafarers na tumututol sa escrow provision sa panukalang Magna Carta of Filipino seafarers.
Ito’y matapos manawagan si Bayan Muna Party-list Chairman Atty. Neri Colmenares sa mga senador na ipasa na ang Magna Carta Bill na siyang titiyak naman sa Security of Tenure at iba pang benepisyo ng Pinoy seafarers at na dapat umano ay walang provision ng escrow.
Ayon kay Atty. Colmenares, dapat umanong hindi matulad ang Senado sa ginawa ng Kamara sa pagsingit ng escrow provision sa naturang panukalang batas.
Giit pa ni Colmebares, Anti-Seaman ang naturang escrow provision dahil dehado umano kapag ang seafarers ay nadisgrasya o namatay sa naturang probisyon kung saan kahit na umanong manalo sila sa kaso laban sa kanilang employers, ang award para sa kompensasyon ay ilalagay muna sa isang escrow account o fiduciary account at hindi ibibigay sa kanila ang kanilang mga benepisyo habang wala pang desisyon ang Korte Suprema sa apela ng kanilang mga employer.
Sa kasalukuyang batas, kapag nanalo sa kaso ang isang seafarer sa National Labor Relations Commission (NLRC) at National Conciliation and Mediation Board (NCMB), final and executory agad ang compensation claims.
Pero kapag lumusot naman ang escrow provision bibilang ng maraming taon bago makuha ang danyos na malaking tulong na sana para sa kanilang pagpapagamot at pagsuporta sa kanilang pamilya habang wala pa silang trabaho matapos na madisgrasya sa barko.
Ikinatuwa naman ng seafarers dahil mistula umanong narinig ng mga senador ang panawagan ni Colmenares kung saan sa ginanap na interpellation sa Senado sa naturang panukalang batas mariing tinutulan ni Senator Riza Hontiveros ang escrow provision dahil ito umano ay Anti-Labor, labag sa Constitutional Rights at salungat sa interes ng mga seafarers.
Pinapurihan naman ng seafarers ang paninindigan ni Senador Raffy Tulfo na kailanman ay hindi umano maisisingit ang escrow provision sa naturang panukalang batas dahil nagpapahirap lamang ito sa seafarers.