May mahalagang papel na maaaring gampanan ang mga “marites” na kapitbahay para matapos na ang mga pang-aabuso sa kababaihan.
Ayon kay Philippine Commission on Women (PCW) Chairperson, Ermelita Valdeavilla, maaari nilang gamitin sa positibong bagay ang kanilang pagiging tsismoso o tsismosa, at isumbong ang kanilang mga kapitbahay na nang-aabuso.
Ang karahasan aniya sa kababaihan ay isang pampublikong krimen, kaya’t ang sinumang makakakita ng babaeng binubugbog sa kanilang harapan ay maaaring makialam sa paraang hindi sila mapapahamak.
Payo pa ni Valdeavilla sa mga marites na sa halip na pag-usapan lamang ang mga sariling opinyon ay tingnan din ang mga indikasyong nagpapalala sa away ng mga mag-asawa, tulad ng paglalasing o pagsusugal.
Gayunpaman, dapat aniyang turuan pa rin ang publiko sa tamang paraan ng pakikialam, kabilang ang pagtawag sa hotline.
Bukas aniya ang “aling pulis” 24/7 helpline ng Philippine National Police (PNP) para sa kababaihang makararanas ng karahasan o pang-aabuso.
Umapela rin ng tulong ang PCW sa mga barangay officials dahil sila umano ang mas nakakaalam sa buhay ng mga mag-asawa sa kanilang komunidad.