Mahaharap na sa mabigat na parusa ang sinumang indibidwal na masasangkot sa game fixing sa larangan ng amateur at professional sports sa bansa.
Ito’y kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa House Bill 8870 na iniakda ni Deputy Speaker Michael Romero sa botong 211 na sang-ayon at wala namang pagtutol.
Layunin ng panukala na protektahan ang integridad ng palakasan at sports sa bansa laban sa mga enterprising individuals na nagmamanipula sa sektor para makalikha ng pera at kumita ng malaki mula rito.
Ayon kay Romero, kapag ang kanilang mga “manok” sa sports ay pumapalya o hindi nakakapag-deliver, dito na aniya pumapasok ang game fixing.
Sa oras na maging ganap na batas, ang sinumang indibidwal na masasangkot sa game fixing ay mahaharap sa tatlo hanggang anim na taong pagkakakulong at multang ₱1 million hanggang ₱5 million.
Kung ang offender o may sala ay isang atleta, promoter, referee, umpire, judge o coach, ito ay mahaharap sa parusang anim hanggang 12 taong pagkakabilanggo at multang ₱1 million hanggang ₱5 million.
Kung myembro naman ng sindikato ang lumabag, ang penalty ay habambuhay na pagkakakulong at multang ₱10 million hanggang ₱50 million at kung ang offender ay isang public officer, ito ay mahaharap sa maximum penalty dagdag pa dito ang perpetual disqualification sa paghawak ng anumang public office o employment.