
Ipinahaharap sa parusang kamatayan ang sinumang mapapatunayang sangkot sa large-scale illegal drug trafficking.
Ito ay kapag naisabatas ang panukalang batas na inihain ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na layong patawan ng parusang kamatayan ang mga masasangkot sa malawakang illegal drug trafficking.
Ituturing na dawit sa large-scale illegal drug trafficking ang sinumang masasangkot sa pagpaparami, paghahatid, pag-manufacture, pagbebenta, palitan, pag-transport, pamamahagi, pag-a-angkat, pagluluwas, at possession ng hindi bababa sa isang kilo o higit pa na iligal na droga.
Hindi naman ipapataw ang death penalty kung ang taong guilty ay wala pang 18 taong gulang nang gawin ang krimen o higit pa sa 70 anyos at sa halip papatawan naman sila ng habambuhay na pagkakakulong.
Inaatasan naman ang Department of Justice (DOJ) na manguna sa pagbalangkas ng rules para sa implementasyon ng batas.
Iginiit sa panukala na kailangang direktang tugisin ang source ng iligal na droga sa bansa na kadalasan ay mga sindikato na bumibiktima sa ating mga mahihirap na kababayan.









