Mga masasayang na bakuna ngayong taon, posibleng lumobo pa sa halos 60-M doses

Posibleng lumobo pa sa halos 60 million doses ng COVID-19 vaccines ang ma-e-expire sa taong ito.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Health OIC Usec. Maria Rosario Vergeire na mayroong 6,955,350 doses ng COVID-19 vaccines ang kasalukuyang naka-quarantine ngayon at hinihintay pa ang desisyon ng mga vaccine manufacturers at ng Food and Drug Administration (FDA) kung papayagan na palawigin ang shelf-life o bisa nito.

Sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino kay Vergeire na kung hindi pala magagamit ang nakatabing 6.9 million doses at kung hindi ma-e-extend ang shelf-life ay posible palang lumobo pa sa 57 million doses ang vaccine wastage ng bansa.


Sinang-ayunan naman ito ni Vergeire pero ginagawa naman umano nila ang lahat ng paraan ngayon para mapabilis ang vaccination program ng pamahalaan.

Maging ang mga bakuna na mapapaso na sa Setyembre ay sisikapin nilang hindi masayang at maibakuna na sa mga tao.

Nababahala pa si Tolentino na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga ma-e-expire na COVID-19 vaccines ngayong taon kapag hinayaan lang at hindi nagamit ang mga bakuna na binigyan ng short life extension.

Tinukoy ni Tolentino na may ilang bakuna tulad ng Moderna na binigyan ng 9 buwan na extension, AstraZeneca na 9 na buwan din na life extension habang ang Pfizer adult ay 15 buwan, Sinovac na may 2 taon at ang ibang bakuna na may isang taon na life extension.

Nauna rito ay nabusisi sa pagdinig ng Blue Ribbon na mula sa kasalukuyang 44 million doses ay inaasahang tataas sa 50.74 million doses ang bakunang masasayang o mae-expire ngayong Marso.

Facebook Comments