Bulacan – Nagpapatuloy ang closed door meeting ng mga matataas na opisyal ng Bulacan PNP kaugnay sa ilalabas nilang resulta sa isinagawang crime laboratory test sa tatlong person of interest sa malagim na masaker sa San Jose Del Monte Bulacan.
Ayon kay PNP Region 3 Director Chief Supt. Aaron Aquino, magsasagawa ng prescon mamaya ala-una ng hapon kasama ang Provincial Director ng Bulacan; Chief Of Police ng SJDM, Bulacan, at Chief, Bulacan Crime Lab kaugnay sa update na nangyari sa kaso sa masaker sa SJDM.
Isasagawa ang Press Conference sa Malolos Provincial Headquarters sa Malolos Bulacan kung saan inaasahang malalaman na ng publiko ang resulta ng crime lab sa brutal na masaker sa pamilya Carlos.
Paliwanag ni Aquino, mahalaga ang resulta ng crime lab na ilalabas nila dahil doon pagbabatayan kung maituturing sarado na ang naturang kaso.
Giit ni Aquino, ang mga finger prints na nakuha nila mula kina Rolando Pasinos, Tony Garcia at Roosevelt Zumura na itinuturing na person of interest ay napakahalaga umano para malaman kung maari nang isasarado ang kontrobersyal na isyu hinggil sa nangyaring masaker sa Bulacan.