Mula sa Maximum-Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) ay inilipat sa Minimum-Security Camp ng NBP ang 50 inmates na matatanda, may sakit at may kapansanan.
Sinabi ni Bureau of Corrections Acting Director General Gregorio Catapang Jr., na bahagi ito ng kanilang hakbangin para ma-decongest ang Maximum-Security Compound ng NBP.
Inisyal pa lang aniya ang 50 matatandang preso na isinama sa transfer at ito ay masusundan pa.
Ang ilan sa persons deprived of liberty (PDL) na inilipat ay hindi na makalakad at nangangailangan na ng wheelchair, saklay o kaya ay taga-akay bunsod ng katandaan, karamdaman, at kapansanan.
Ayon kay Catapang, inirekomenda na ang mga nasabing PDL na magawaran ng executive clemency.
Isinailalim din ang mga bilanggo sa medical checkup.
Ilalagay rin ang nasabing elderly PDLs sa isolation ng ilang araw bago ihalo sa ibang prison population sa Minimum-Security Compound.