Mga matatandang power plants, posibleng pagretirohin na ng DOE

Pinag-aaralan na ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang posibilidad na pagretirohin na ang mga matatandang power plants sa Luzon matapos makaranas ng sunod-sunod na rotational brownouts ang ilang lugar sa rehiyon.

Sa pagdinig ng House Committee on Energy, ay sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na maraming planta ng kuryente ang nasa 16 na taon pataas ang edad o tagal.

Aabot aniya sa halos 30% ang percentage share ng plantang nasa 16 hanggang 20 na taon ang edad; habang nasa 24% ang percentage share ng mga plantang nasa 21 hanggang 25 na taon ang operasyon.


Sa ngayon ay inaalam na kung episyente pa bang gamitin ang mga lumang power plants na ito.

Samantala, tiniyak naman ng DOE na seryoso sila sa pagsasampa ng reklamong “economic sabotage” laban sa mga Generation Companies o GenCos na mapapatunayang may pananagutan sa naging problema sa kuryente.

Nauna nang sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na inatasan na niya ang mga abogado ng DOE kaugnay sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga kompanya na hindi naman pinangalanan.

Ilang kompanya umano ang hindi sumunod sa polisiya ng ahensya na bawal ang pagsasagawa ng preventive maintenance shutdown ng mga planta sa panahon ng “summer” kung kailan mataas ang demand sa kuryente.

Facebook Comments