Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na balik na sa normal ang pagproseso ng sequencing ng Philippine Genome Center (PGC).
Ayon kay Health Usec. Ma Rosario Vergeire, dumating na kasi ang mga materyales na kailangan ng PGC para sa sequencing ng mga swab sample.
Nitong nakaraaang linggo ay nasa 150 samples lamang ang mga naisalang sa sequencing ng PGC dahil sa kawalan ng supply ng materyales.
Bunga nito, nagkaroon aniya sila ng prioritization at pinili lang ang mga maisasalang sa sequencing.
Pero simula ngayong linggo ay makababalik na aniya muli sa 750 samples ang mapo-proseso.
Sa pamamagitan ng genome sequencing ay matutukoy ang mga variant ng COVID-19 na mayroon sa isang swab specimen.
Pero nilinaw ng DOH na hindi lahat ng swab sample ay pwedeng isalang sa sequencing dahil ang mga isinasalang lamang ay ang mga sample na may mataas na CT value o viral load.