Nangangamba ang ilang may-ari ng kainan sa Dagupan City kasunod ng pahayag ng Department of Energy (DOE) na sapat na lamang sa humigit-kumulang 25 araw ang natitirang supply ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa buong bansa.
Ang mga kagaya ni Ate Rose na may-ari ng maliliit na karinderya, paunti-unti na lamang ang kinikita ngayon dahil sa sabay na pagtaas ng presyo ng LPG at ilang mga pangunahing bilihin.
Ngayon, hindi pa man nakakaahon, ay nahaharap na naman sa bagong hamon kung sakaling manganib ang supply ng LPG sa merkado.
Dagdag pa niya, kung wala nang mapagkukunan ay kailangan nilang gumawa ng paraan tulad na lamang ng paggamit ng mga panggatong para makapagluto.
Gaya ng ibang Pilipino, hiling din niya na magwakas na ang kaguluhan sa Gitnang Silangan at matuldukan na ang krisis na nagpapahirap ngayon sa mga mamamayan, lalo na umano ng mga nasa laylayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










