Ipinasa-subpoena ni Senator Sherwin Gatchalian ang tatlong incorporators o mga may-ari ng Smart Web Technologies Corporattion o yung mga may-ari ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) Hub sa Pasay na natuklasang may sex den, torture chamber at sangkot sa human-trafficking.
Tinukoy ang mga ito na sina Kevin Bautista de Jesus, Fidel Mignon Sarausad at Delia Baratiga Montibon na purong Pilipino.
Hindi dumalo ang mga ito sa ipinatawag na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children and Family Relations na idinaos mismo sa gusali ng Smart Web.
Kaakibat ng subpoena ang babala na maaari silang ma-contempt at pag nangyari ito ay maaari silang ipaaresto ng Senado.
Naunang nagsagawa ng inspeksyon sa gusali sina Gatchalian at Senator Risa Hontiveros kung saan inisa-isa ng mga senador ang mga sinasabing kwarto sa ibat ibang palapag ng gusali, kasama ang mga opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police (PNP).
Nakita mismo ng mga senador ang sinasabing torture chamber kung saan ginagawa ang mga pananakit sa mga biktima.