Quezon City, Philippines – Ipapatawag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng supermarket at mga supplier nito para sa isang pagpupulong sa Huwebes.
Ang hakbang ng alkalde ay kasunod ng pagkakadiskubre ng QC Veterinary Office sa dalawang supermarket na nagbebenta ng karne ng baboy na nagpositibo sa African swine fever o ASF.
Napapanahon aniya ang pulong lalo pa at nakasalalay dito ang kalusugan ng publiko.
Ipinagtaka ng alkalde kung paano nakalusot ang mga karne na infected ng ASF, sa kabila naghigpit na inspection ng National Meat Inspection Service o NMIS.
Plano rin ng city government na turuan ang mga tauhan ng supermarket sa pagtukoy sa mga karne ng baboy kung positibo o hindi sa ASF.
Apila naman ng alkalde sa publiko na huwag ng magsisihan, habang ginagawa naman ng Department of Agriculture (DA) ang imbestigasyon ukol dito.
Umaasa naman ang alkalde na makikipagtulungan ang mga may ari ng supermarket sa QC government sa gagawing imbestigasyon.