Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na uusigin muna ang mga Chinese na may-ari ng establisyementong ipinasara ng Manila City Government dahil sa pagbebenta ng produktong may “Manila Province, PR China” label.
Una nang nanawagan si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) para imbestigahan ang Chinese owners.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, ang dayuhang may ginawang paglabag sa Pilipinas ay maaaring ipa-deport kapag siya ay na-prosecute at naparusahan sa ating bansa.
Sinabi ni Guevarra na may pananagutan ang manufacturer at distributor ng produkto dahil sa pagmi-mislabel.
Kung ang produkto ay hindi naaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ay mahaharap pa sa seryosong paglaban ang mga sangkot.
Pagtitiyak ng DOJ na ang mga indibidwal na nadadawit ay bibigyan ng pagkakataong mapakinggan ang kanilang panig.