Mga may COVID-19 at may sintomas ng sakit, papayagang bumoto sa 2022 national election

Papayagang makaboto sa 2022 national election ang mga may COVID-19 o may sintomas ng sakit.

Ito ang sinabi ni Commission on Election (Comelec) Spokesperson James Jimenez sa ginanap na online forum sa pangunguna ni Committee on People’s Participation Chairman Florida “Rida” Robes.

Ayon kay Jimenez, sa mismong araw ng halalan ay papayagang makaboto ang mga may COVID-19 o may sintomas ng sakit pero naka-segregate o nakahiwalay ang polling precinct ng mga ito bilang pagsunod pa rin sa health at safety protocols.


Sa ganitong paraan aniya ay ma-i-exercise pa rin ng mga may sakit ang kanilang “right of suffrage” dahil hindi naman dinidiskwalipika ng pagkakaroon ng COVID-19 ang karapatang bumoto ng mga tao.

Giit pa ni Jimenez, ang strategy na ito ay ginawa na nila kamakailan sa plebesito sa paghahati ng Palawan kung saan naging matagumpay ang nasabing hakbang.

Samantala, dahil pa rin sa banta ng pandemya ay pinag-aaralan naman ng Comelec na limitahan lamang sa lima ang bilang ng mga makakapasok sa polling precinct, isang botante, tatlong myembro ng election board at isang watcher.

Bagama’t hindi pa ito ang pinal, ito aniya ang most extreme na maaaring mangyari sa mismong araw ng eleksyon.

Sakali namang ganito ang magiging sitwasyon ay hinimok ng Comelec ang mga botante na bago pa man pumasok sa polling precinct ay alam na agad kung sinu-sino ang mga iboboto para mapabilis ang proseso.

Facebook Comments