Nagpaalala ang Department of Health (DOH) na hindi dapat umiwas sa bakuna kontra COVID-19 ang mga may allergy sa pagkain at gamot.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga may allergies tulad ng sa pagkain o gamot ay kailangan lamang kumuha ng certification sa kanilang doktor na maaari silang magpabakuna.
Aniya, kabilang sa mga dapat bantayan ay ang allergic reaction sa mga ingredient ng bakuna tulad ng polyethylene glycol.
Gayundin ang severe reaction na anaphylactic shock.
“Ibig sabihin magkakaroon kayo noong anaphylaxis, iyong nahihirapang huminga, nagkakaroon na nang mataas na pagtibok ng puso at baka magsasara na iyong airways natin, so that’s the anaphylactic reaction. Iyan lang po ang tanging contraindication, the rest puwede pong makakuha nitong bakuna as long as they are certified by their physician that they can receive the vaccine.” ani Vergeire.
Paliwanag ni Vergeire, hanggang isang oras matapos mabakunahan, dapat obserbahan ang pasyente.
May mga naka-standby rin aniyang ambulansiya at referral hospitals na tutugon sa posibleng side effects na maranasan ng mga nabakunahan.