Lubha nang apektado ang mga meat importers sa ipinatupad na ng temporary ban ng Department of Agriculture (DA) sa pa-import ng karneng baboy at iba pang pork products lalo na sa mga bansa na apektado ng African swine fever (ASF) sa pag-angkat ng meat products.
Aminado ang mga ito na lumiit ang kanilang kita dahil sa limitadong pag-angkat ng meat products sa ibang bansa.
Ayon kay Jesus Cham, pangulo ng Meat Importers and Traders Association o MITA, wala naman silang magagawa kung hindi ang sumunod sa atas ng DA at ayaw din naman nilang makumpromiso ang mga alagaing hayop at kalusugan ng tao.
Sa ngayon aniya nagkukulang na ang supply ng raw materials mula sa karneng baboy tulad na lang ng mga pork skin na ginagamit sa paggawa ng chicharon.
Hindi naman kayang suplayan ng local meat products ang kakulangan ng raw materials dahil malaki ang kaibahan nito sa kalidad ng imported meat.
Tiniyak ng meat importers and traders na susundin nila ang kautusan ng DA at mag-aangkat lamang sila kapag ideklara nang ligtas sa ASF ang mga bansang apektado nito.
Sa panig ng agriculture department, nanindigan ito na patuloy pa rin nilang ipapatupad ang mga mahigpit na patakaran sa importasyon, early detection at mahigpit na biosecurity measures upang protektahan ang swine industry sa bansa.
Kamakailan lamang ay pansamantala na ring ipinatupad ang temporary ban sa pag-angkat ng karneng baboy at pork products mula sa Laos, North Korea at Germany dahil sa ulat na apektado na rin sila ng African swine fever.