Pabor sina Senators Nancy Binay at Risa Hontiveros na mabakunahan din ang mga menor de edad para maproteksyunan laban sa COVID-19.
Tinukoy ng dalawang senador na sa ngayon ay ang Pfizer pa lang ang binibigyan ng pahintulot ng World Health Organization na ibakuna sa mga bata.
At dahil wala naman tayong sapat na suplay ng Pfizer vaccine ay sinabihan ni Binay ang Inter-Agency Task Force at Department of Health na maging praktikal at realistic at huwag nang paasahin na mababakunahan ang mga bata at sa halip ay tutukan na lang ang vulnerable sectors.
Inihalimbawa ni Binay ang mga jeepney at bus drivers, street vendors, mga nasa frontline service industries gayundin ang mga senior citizens at may comorbidities na kailangang lumabas ng kanilang tahanan para magtrabaho.
Umaasa naman si Senator Hontiveros na pag-aaralan at paghahandaan na rin ng gobyerno ang pagbili ng bakuna para sa mga bata.
Nananawagan din si Hontiveros sa mga vaccine manufacturers na magbuhos din ng pamumuhunan sa pediatric trials para matiyak ang kaligtasan ng COVID-19 vaccine sa mga bata.