Muling magpupulong ngayong gabi ang mga Metro Manila mayor para plantsahin ang mga susunod na hakbangin upang mapigilan ang pagkalat pa sa National Capital Region (NCR) ng COVID-19 Delta variant.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, layon din nito na makapagpakita ng natatanging resulta sa loob ng two-week Enhanced Community Quarantine (ECQ) period.
Nagpasalamat naman ang mga Metro Manila mayors sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa mabilis nitong tugon sa pagpapatupad ng additional restrictions simula ngayong July 30 hanggang August 5 at ang ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula August 6 hanggang 20.
Tiniyak naman ng mga Metro Manila mayor na higit pang palalakasin ang kanilang vaccination programs upang makamit ang herd immunity sa National Capital Region (NCR).
Umapela ang mga Local Government Units (LGUs) sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang tahanan upang malampasan ang banta ng COVID-19 Delta variant.